Brainless Entertainment

Hindi Ingles ang Wika ng mga Filipinong Marunong

Main Content

Hindi Ingles ang Wika ng mga Filipinong Marunong

Marami akong kaibigan na dalubhasa: mga abogado, doktor, enhinyero, piloto, pintor. Hindi na natin sila papangalanan dahil ayaw kong mawalan ng kaibigan, ngunit sa totoo lang, marami sa kanila ay barag-barag din mag-Ingles. Gayun pa man, ang kanilang kahinaan sa paggamit ng wikang banyaga ay hindi nagiging hadlang upang magampanan nila ang kanilang mga katungkulan.

Ilang puna na din ang nabasa ko tungkol sa isinulat ng isang nagngangalang James Soriano— alam niyo na yun. Ngunit sa mga puna na nabasa ko, halos iisa ang paksa na tinatalakay ng mga may-akda: ang insultong naramdaman nila sa pawang pagmamaliit ni Soriano sa mga taong gumagamit ng wikang Filipino.

Hindi ko na dadagdagan ang mga punang iyon dahil gasgas na din naman ang paksa nila. Mag-aaksaya lang tayo ng oras sa paulit-ulit na usapan.

Ang sa akin lang: kung ang batayan ni Soriano ay ang kaniyang mga karanasan sa pakikipaghalubilo sa mga dalubhasa, sana ay naisip din muna niya na may ibang karanasan ang ibang tao sa ganoong bagay, bago siya sumulat ng isang artikulong pawang pangkalahatan.

Marahil, ito din ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang suklam na laman ng mga nabasa kong puna. Para bang, kung susumahin natin silang lahat, ang sinasabi lang nila ay, "Hoy, bata! Huwag mo kaming idamay diyan sa pananaw mo, ha. Wala ka na sa hulog." At ang mga taong ito ay ang mismong iniisip ni Soriano na mga may pinag-aralan at maalam sa iba't-ibang bagay.

Kung ang batayan lamang ay ang sarili kong karanasan, paano nga ba ang makipag-usap sa isang dalubhasa?

Kamakailan lang, bumisita ako sa isang security expert. Ang paksa ng aming pag-uusap ay ang paggawa ng isang sistema na gagamit ng GPS upang masubaybayan ang galaw ng mga sasakyan ng kaniyang mga kliente. Napakasensitibo ng sistemang ito kaya't kinailangan naming makapanayam pa ang ibang eksperto. Lahat ng pag-uusap namin ay sa wikang Filipino.

Gayun din noong isang buwan, nang makipag-usap ako sa iba na namang tao tunkol sa paggawa ng website para sa isang pangkat ng mga espesyalista sa puso. Gayun din noong makipag-usap ako sa isang pangkat ng mga abugado na gusto namang magpagawa ng ibang bagay.

Sa aking karanasan, ginagamit ko lang ang wikang Ingles sa aking trabaho kung ako'y magbibigay pa lamang ng quotation at kung ako'y maniningil na. Lahat ng mga panayam na mangyayari sa gitna ay laging sa wikang Filipino— maliban na lang, siyempre, kung banyaga ang kausap. (Ohai, Dr.T!)

Sa madaling-salita, salungat ang mga karanasan ko sa mga karanasan ni Soriano sa pakikipaghalubilo sa mga taong marurunong. At kung tutuusin, ang wikang Ingles para sa akin ay seryosong ginagamit lamang ng mga taong gustong magpakitang-gilas sa Internet, gustong maningil, at mga taong marami nang nainom.

Para sa akin, ang wika ng mga taong talagang marunong ay Python. (At malamang, maraming hindi sasang-ayon sa akin dito dahil sila'y maka-PHP, maka-Perl, o maka-Java. GSSSK!*)

* Gumugulong Sa Sahig Sa Kakatawa!

Updated: Wed, 31 Aug 2011 04:47:05 +0800

Content Highlights

Loading...

Cover image.

Loading...